Xian Gaza, Pinaghahanap Ng Awtoridad Dahil Sa Investment Scam Umano.

Si Christian Albert Gaza, o mas kilala bilang Xian na sumikat noon dahil sa isang viral video ay kasalukuyang hinahanap ng mga awtoridad, kaugnay sa umano’y mga panloloko nito sa dalawang investor.

Ayon sa ABS-CBN, Pumunta sa Lingkod Kapamilya ng DZMM sina Jaime Asuncion at Melinda Cruz dahil tinakasan umano sila ni Gaza pagkatapos mailabas ang arrest warrant laban sa kanya
Kuwento ni Cruz, 8 taon na niyang kakilala ang pamilya ni Gaza kaya madali itong nagtiwala sa suspek.

“Kilala ko po ‘yung pamilya niya and matagal ko na po silang kakilala. Si hindi ko po in-expect na lolokohin ako,” ani Cruz.

Inutangan umano si Cruz ng P2 milyon para pondohan ang isang coffee shop ni Gaza dahil umurong umano ang nauna nitong partner.

“Nag-invest po ako sa business and then nung una po nakakapagbigay naman siya,” aniya.

Sa kanilang kontrata ay tumayo si Cruz bilang “lender” ni Gaza at habang hindi pa niya nakukuha ang kabuuang halaga, binibigyan siya nito ng buwanang inters na P20,000.

Pinangakuan pa umano siya nito ng profit-sharing sakaling umusbong ang negosyo.

Limang buwan lang aniya nakapagbayad ng interes si Gaza at matapos iyon ay hindi na ito mahagilap.

Kinausap ni Cruz ang mga magulang ni Gaza at tinangka pa umano nilang ayusin ang gusot sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang house and lot sa Bacoor, Cavite.

“Hindi nga nila in-expect na pati ako idadamay daw sa panloloko ng anak nila so binigyan po ako ng property na hindi naman sufficient enough dahil ang naging worth lang ng property is P700,000 pero sabi nila P3 million ang halaga,” hinaing ng biktima.

Bago si Melinda, nabiktima na rin ni Gaza si Jaime Asuncion.

Si Asuncion ang tinukoy ni Gaza na umano’y “tumakbo” sa coffee shop business pero ayon sa biktima, tinakbuhan rin umano siya sa mga utang nito.

“Ako po ‘yung nagpondo ng coffee shop. First month pa lang ng usapan namin sabi niya siya ang magpapatakbo. Eh ako po ang nagpondo lahat, so nilalabanan ko ang 50-50 sharing. First month pa lang hindi na kami magkasundo sa hatian, so I feel na greedy itong taong ito,” ani Asuncion.

Napagdesisyunan ni Asuncion na kuhanin na lang ang kaniyang buong investment para ipaubaya na kay Gaza ang negosyo.

“Sabi niya ‘Ok po, tito. Babayaran kita ng tseke. Personal na utang ko na ito.’ Binabayaran niya nung una,” ayon kay Asuncion.

Umabot sa P1 milyon ang nilabas na pera ni Asuncion, pero nabawasan na ito nang bahagya bago takbuhan ni Gaza.

Dahil sa mga panlilinlang, nagdesisyon na siyang idemanda si Gaza.

Nagkaharap pa raw sila sa korte at nangako itong magbabayad pero hindi naman natutupad.

Hanggang sa mag-isyu na nga ng warrant ang korte ay hindi pa rin nagpapakita si Gaza para isuko ang sarili.

Nanawagan ang dalawang complainant na lumutang na si Gaza upang harapin ang kaniyang kaso

Be the first to comment

Leave a comment

Your email address will not be published.


*